Kulog na yumayanig, kidlat na gumuguhit
Dumalaw na naman ang tag-ulan sa Septyembreng masungit
Doon kita unang nakita, nakikisilong ng pilit
Iniiwas ang sariling mabasa sa ilalim ng kubong maliit.
Tahimik ka lang, habang ako’y abalang nagdedesenyo
Naging modelong pansamantala, hindi makatingin ng diretso
Dumukot ka ng inumin, nakadungaw ang mata sa malayo
Hanggang tumila ang ulan, oras na para tayo’y humayo.
Naulit ng ilang beses ang hindi inaasahang mga pagkikita
Nagsimula na tayong magpalitan ng salita at nagkakilala
Nasabi mo pang “sana araw-araw na lang tayong magkasama”
Nakakalungkot man ngunit ang tag-init ay sumapit na.
Paminsan minsan dumadalaw ako sa ating tagpuan
Pero hindi na nagtagpo ang landas natin sa kanlungan
Sana Septyembre na namang muli nang muli kong masilayan
Ang nagsangang pag-ibig na nagtagpo sa panahon ng tag-ulan.
— Blythe Naza

