Hindi ko alam kung ano talaga ang nais mong ipabatid noong sabihin mong maghintay lang ako at may tatapusin ka pa. Na babalikan mo ako pagkatapos ng lahat. Naisip ko na baka hahanapin mo na naman ang sarili mo sa ibang tao, sa ibang lugar— malayo sa akin dahil nilalayo kita sa tunay na ikaw. Siguro sa pagkakataong ito, hindi kana mawawala.
Imposible. Imposibleng mawawala ka na naman dahil naubos na naman kita. Kaya baka, napagod ka. Baka magpapahinga kana naman ulit at babalik kapag nagkaroon kana ulit ng lakas. Siguro sa pagkakataong ito, hindi kana manghihina.
Nakakapanghina. Na baka ang gusto mo lang talagang iparamdam sa akin na mahirap akong mahalin. Kaya, sige, tapusin mo na.
— Jucel Faith

Pinili kong umiwas at paunti-unti ay lumayo sa’yo, dahil pilitin man ng loob kong ilabas ang nararapat na pagmamahal ay hindi na maibabalik pa ang dati. Pinilit ko ang sariling bigyan ng isa pang pagkakataon, ngunit hindi ko na talaga kaya pang magkunwari, lalo na ‘pag nakaharap sa salamin.
Mahal, wala na. Pagod na akong umintindi. Ang akala kong simpleng away lang ay mas lalong tumindi. Nauwi sa parang ‘di na kita kilala, siguro hindi mo rin ako masisisi kung sasabihin kong “hindi na tayo maisasalba pa”.
Ang hirap mo namang mahalin.
Dati takot pa akong mawala ka pero ngayon, hindi na ako nagdadalawang-isip na ika’y balewalain. Kung dati, hindi ko pa kayang gawin ang unang hakbang. Ngayon, pasensya na ngunit tayo’y hanggang dito na lang.
— Blythe Naza
