Isang umaga habang nag-aalmusal na walang nararamdamang kilig, naalala kong mahigit tatlong buwan ko na pa lang hindi hinihintay ang mga mensahe niya. Kung dati’y ulam ang ‘magandang umaga’ niya, noong umagang iyon, tila naging kape itong kailanma’y hindi ko inasahan. Hindi naman kasi ako umiinom ng kape sa umaga.
Nagulat din ako na hindi na siya ang laman ng lahat ng mga kwento ko. Kung paanong iniwan ng araw ang gabi, katulad niya sa akin. Kung paano nagagawa ng isang umiibig na pagmasdan ang kaniyang minamahal na sinusuyo ang kaniyang sinisinta; katulad ko sa inyo.
— Jucel Faith

Nangangatwiran ang damdamin, nagdadahilan na ‘di ko na dapat siya mahalin pabalik. Sumasang-ayon naman ang hangganan na ‘wag ko nang pagtuunan pa ng pansin. Nanlamig, ngunit nagugulumihanan. Ang isang munting pagdududa’y nauwi sa isang matibay na katibayan, na dapat kong suklian ang pinapakita niyang kabutihan.
Ipagpaumanhin niya sana kung naging matigas ako, kung paano ko binakuran at inilayo sa marami ang pagmamahal kung saan ako’y may malaking kahinaan, kung saan matagal kong isinara at sa muli ay aking pagbubuksan. Dahil sa kanya. Marahil ay magiging malapit na ang dating malayo.
— Blythe Naza
