Hindi ko alam kung sumobra tayo sa usap o kinulang. Kapwa tayong nabibigla pa sa mga bagay na kapwa rin naman nating inaasahan.
Parang kilala na hindi natin ang isa’t-isa.
Nakakapagtaka na may natutuklasan tayong hindi na bago pero nakakagulat pa rin— na alam na natin pero hindi pa rin natin kayang paniwalaan. O ayaw lang nating paniwalaan.
O baka ako lang ang may ayaw.
Kasi hanggang ngayon, hindi ko pa rin matanggap na nagawa mo akong iwan.
Puwede bang pag-usapan natin to?
— Jucel Faith

Heto ka na naman, mangungulit at magtatanong kung bakit kita nagawang iwanan.
Hindi ka pa ba napapagod magtanong?
Kasi ako?
Pagod na pagod na akong makita ang bawat pag-iyak mo,
makita ang mapupulang mata at nanlalambot mong anyo,
at marinig ang hagulhol mong humahati sa dibdib ko.
Pero isa lang ang mahihiling ko at ito na ang siyang huli –
Pakiusap, palayain mo na ang puso kong hindi ikaw ang pinili.
— Blythe Naza
