A Star That Lost Her Light

Alam mo bang ginagawa kong pampatulog ang kape? Alam mo bang hindi sapat ang isang tasa lang?

Gising ang diwa ko bawat alas diyes ng gabi hanggang batiin ako ng araw. Nararamdaman ko ang init subalit hindi abot sa puso.
Hindi ko na hinihipan ang kape ko, tila sanay ng mapaso — baka nasobrahan lang sa pagkamanhid.

Alam mo bang nakakalimutan ko itong lagyan ng asukal? Alam mo bang nakalimutan ko na kung ano ang lasa ng matamis?

Walang kasing pait ang pagpilit sa sarili na kalimutan ka. Ni sarili kong laway ay takot akong lunukin dahil baka bumara sa lalamunan ko ang pangalan mo.

Alam mo bang tinatawag pa rin kita sa aking panaginip? Alam mo bang ikaw ang hinihintay kong idlip?

— Jucel Faith

Likhang sining ni: Thadar (via Pinterest)

Inabo na ang kwadernong nagtataglay ng mga sekreto ng bawat kong hinanaing, napalyang ipagsigawan kahit ubos-sigaw kong inidaing.

Uhaw ako sa tubig, dahil sinanay ko ang sariling makuntento sa namamagitang dalawang panlasa – ang tamis at pait. ‘Di ko rin namalayang nalunod ako habang namamangka sa hiwaga nitong taglay. Nakakasuka pala talaga kapag naging maligamgam ang pakiramdam.

Kung alam lang sana ng bituin kung kailan siya dapat mapaglipasan ng ningning, ay hindi na dapat siya maghintay sa dalangin ng pusong pinagkaitan siyang hilingin.

— Blythe Naza

Leave a Comment